UNITED NATIONS, Geneva – Pinaigting ng Pilipinas ang panawagan nito sa nagkakaisang aksyon ng mga bansa para sa pagpapalawak ng proteksyon ng mga migranteng manggagawa.

Sa pahayag na binasa sa plenary session ng ika-107 na sesyon ng International Labor Conference sa Geneva, Switzerland, binigyang diin ng Pilipinas sa mga dumalong bansa na dapat magpatupad ng mga hakbangin upang tugunan ang mga hindi nararapat na gawain tulad ng harassment sa trabaho, higit lalo sa mga kababaihang manggagawa.

“Ang tema ng pulong na ‘Women at Work’ ay napapanahon kasunod na rin nang hindi katanggap-tanggap na karanasan ng mga Pilipinong overseas worker nitong mga nakaraang buwan,” ayon sa statement ni Labor Secretary Silvestre Bello III na binasa ni Undersecretary Joel Maglunsod.

Magugunitang natuon ang pansin ng mundo sa Pilipinas kasunod ng mga ulat ng umano’y pagkamatay at pang-aabuso sa mga Pilipinang manggagawa sa gitnang silangan. Mayroong mga ulat ng pagkamatay, pang-aabuso, at ilang kaso ng panggagahasa sa mga household service workers.

“Patuloy na inilalaban ng Pilipinas ang patas at makataong pagtrato sa mga overseas worker, higit lalo sa mga kababaihan. Sila, sa iba’t ibang antas, ay mas nalalantad sa pang-aabuso sa trabaho at nakararanas ng hindi makataong pagtrato,” dagdag pa sa statement.

Dagdag pa rito, upang maresolba ang problema, patuloy ang pamahalaan sa kampanya nito na bigyang kaalaman ang mga bansang tumatanggap ng manggagawa kaugnay sa patas na karapatan at kapakanan ng mga overseas Filipino workers.

“Ginagawa namin ito sa pamamagitan ng paglagda sa mga bilateral labor agreement sa mga host country,” ayon pa sa statement, habang dinagdag pa nito na 37 sa mga kasunduan ay naisakatuparan na.

“Subalit, ang mga inisyatibong ito ng gobyerno ng Pilipinas ay hindi pa sapat upang matiyak ang proteksyon sa karapatan at maipalaganap ang kapananan ng mga Pilipinong migranteng manggagawa,” dagdag pa ng pahayag.

Binigyang diin rin ng statement na: “Marami pang kinakailangan gawin. Ilan rito ang mas pinaigting na pagtutulungan upang makapagbigay ang mga pamahalaan at stakeholder ng mas ligtas at naaayong migration blueprint sa mga manggagawa.”

“Mahirap mang tanggapin, sa kabila ng mga hakbangin ng iba’t ibang bansa, hindi lamang ng ILO at iba pang international organization, nahihirapan pa rin tayong maabot ang adhikain sa gender equality ngayong henerasyon ng teknolohiya,” dagdag pa nito.

Sa panghuling bahagi ng statement: “Nais naming hingin ang inyong tugon. Kailan ba matatapos ang kulturang ito ng hindi pagkakapantay-pantay?”

#RMF/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry