Inutos ni Presidente Rodrigo Duterte ang paglalaan ng P448 milyon sa labor department upang tulungan ang may 18,000 manggagawa sa formal sector matapos ang pansamantalang pagsasara ng Boracay Island.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong linggo na ang tulong-pinansiyal ay kumakatawan sa 50 porsiyento ng minimum na arawang sahod ng manggagawa na ibibigay sa mga rehistradong empleyado habang naka-suspinde ang kanilang trabaho sa isla.

“Ito ay bahagi ng pamamaraan na inilatag ng DOLE sa pamamagitan ng ating Boracay Emergency Employment Program (BEEP) para sa mga apektadong manggagawa sa nasabing lugar,” ani Bello.

Sinabi ng Bureau of Local Employment (BLE) na may kabuuang 18,206 pormal na manggagawa at 3,954 manggagawa sa informal sector ang nai-profile nitong Mayo 1.

Sa ilalim ng Adjustment Measures Program (AMP) ng labor department, ang pinansiyal na tulong na may katumbas na 50 porsiyento ng kasalukuyang minimum na sahod sa rehiyon ang ibibigay sa 17,735 apektadong manggagawa sa formal sector sa loob ng anim na buwan o mula Mayo hanggang Oktubre 2018 na may kabuuang P448 milyon.

May inalaan ding P52 milyon sa hiwalay na emergency employment program para sa manggagawa sa informal sector.

Ang makikinabang sa nasabing programa ay ang mga manggagawa sa transportasyon, haulers, tindera, at mga katutubo na pansamantalang magtatrabaho ng 30 araw para sa coastal clean-up, gayundin ang clearing at reforestation ng mga mangrove site sa Boracay Island.

Naglaan din ang labor department ng 200 slot para sa mga kabataan na nagnanais na maging bahagi ng Government Internship Program (GIP).

Sasailalim sila sa anim na buwang pagsasanay sa gobyerno na ang sahod ay may katumbas na 75 porsiyento ng kasalukuyang minimum na sahod sa rehiyon. May P6.5 milyong budget na nakalaan para sa GIP.

Nagsagawa din ang labor department ng job fair sa Kalibo noong Abril 26 at may itinakda na isa pang job fair sa Malay sa Mayo 18.

Samantala, sa ilalim ng Livelihood Assistance Program, tinatayang may 200 micro-entrepreneur ang makikibanang sa pagsasanay sa basic entrepreneurship development, business planning, business work improvement, at production skills, gayundin ang tulong-pangkabuhayan sa inaasahang pagbabalik ng negosyo matapos ang rehabilitasyon ng isla.

Naglabas ng paalala si Bello sa mga establisyamento sa Boracay laban sa pagtatanggal ng kanilang empleyado.

Kanyang ipinaalam sa mga employer na maaari lamang nilang ipatupad ang “no work, no pay” o hilingin sa kanilang mga empleyado na mag-force leave gamit ang kanilang leave credits.

Dahil dito, inaasahan na muli nilang pababalikin ang mga empleyado sa kanilang trabaho kapag inalis na ang pansamantalang pagsasara ng Boracay Island, dagdag niya.

Isa pang advisory ang inilabas para sa panuntunan sa pagpapatupad ng alternative work arrangement, tulad ng pansamantalang paglilipat ng empleyado sa iba pang branch o outlet; pansamantalang pagtatagala ng empleyado sa iba pang gawain o posisyon, pagpapanatili ng mga manggagawa para sa kinakailangang pagpapanatili, o pagkukumpuni ng mga establisyamento, pagbabawas ng araw ng paggawa, rotation ng mga manggagawa; at forced leave, paggamit ng leave credits, kung mayroon.

Kasama ng DOLE ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Tourism (DOT), Department of Science and Technology (DOST), at Department of Agriculture (DA) upang tugunan ang pangangailangan ng mga apektadong manggagawa.

Bilang pangunahing ahensiya ng BEEP, nagbibigay ang labor department ng interbensiyon tulad ng tulong-pinansiyal sa mga manggagawa sa formal sector, emergency employment para sa manggagawa sa informal sector, oportunidad para sa government internship, job facilitation sa pamamagitan ng pagsasagawa ng job fairs, at social preparation training para sa mga micro-entrepreneurs.

END/ aldm /gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry