Muling nanawagan si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga employer na gawing regular ang kanilang mga manggagawa at sumunod sa general labor standards dahil isinasapinal na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang listahan ng mga lumalabag at patuloy na nagsasagawa ng iligal na kontraktuwalisasyon.

Sinabi ni Bello na nagkakaroon pa ng validation ang Bureau of Working Conditions (BWC) para sa nasabing listahan at nakatakda nila itong isumite sa Malacanang sa darating na Mayo 25.

Una nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bello na magsumite ng listahan ng mga kumpanyang lumalabag sa labor law at ang mga nasasangkot sa iligal na labor-only contracting.

Kasalukuyan pa ring pinaiigting ng kagawaran ang inspeksyon sa mga establisimento sa buong bansa para sa pagsunod nila sa labor laws at standards at sa occupational health and safety. Ilan naman sa prayoridad ng mga inspeksyon ay ang mga fastfood chains, malls, at manufacturing company habang sinabi ni Bello na mayroon pa silang ilalabas na mga compliance order upang maregular ang mga manggagawa sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.

Dagdag pa ni Bello, nagpahayag na rin aniya ng suporta ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa kampanya ng pamahalaan na mabigyan ng karapatan sa ‘security of tenure’ at maregular ang mga manggagawa.

“Nagpahayag ng kanilang suporta ang ECOP at nanindigan silang paaalisin sa organisasyon ang mga employer na hindi susunod sa utos ng Pangulo at ng DOLE,” wika ni Bello.

Gayunman, sinabi ni Bello na malaki pa rin ang kakulangan ng pamahalaan sa mga labor inspector. “Umaabot sa 900,000 business establishment sa buong bansa ang kailangan naming bisitahin subalit mayroon lamang kaming 570 na inspektor. Gayunman, hindi kami natutulog sa aming responsibilidad,” ani Bello.

Ayon kay BWC Director Teresita Cucueco, sa ngayon ay ang mga Regional Office No. 4b, 6, 7, 11 at 12 pa lamang ang nagsusumite ng listahan ng mga hindi sumusunod na kumpanya habang inaasahang maisusumite ng iba ang kanilang listahan sa susunod na linggo.

“Batay sa mga isinumiteng listahan, kadalasang paglabag ng mga kumpanya ay hindi nila pagsunod sa minimum wage order, hindi tamang computation ng overtime pay, at hindi pag-remit ng mga social benefit,” ayon kay Cucueco.

Sa mga naisagawang inspeksyon, sinabi pa ni Cucueco na ilan sa mga paglabag ng mga employer ay kawalan ng safety officer na siyang nakatalaga para sa evacuation planning, monitoring, at pagtiyak ng occupational safety sa mga lugar na pinapasukan at iba pang bagay na may kaugnayan sa kaligtasan ng manggagawa sa kumpanya.

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry