Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng kabuuang P5,662,705.50 upang ipasuweldo sa 1,420 benepisyaryo para sa emergency employment sa Boracay sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Ang mga benepisyaryo ay mga manggagawa mula sa informal sector at indigenous people na naapektuhan ng pagsasara ng isla.

Pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagbibigay ng pasahod sa mga TUPAD worker na nasa unang batch ng mga benepisyaryo para sa emergency employment program ng DOLE.

Sinamahan siya nila Undersecretary Joel Maglunsod, Secretary Benjamin Diokno ng Department of Budget and Management (DBM), at Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nagpaabot rin sila ng suweldo sa 57 miyembro ng Ati tribe na nagkakahalaga ng P4,852.50 kada tao.

Ang iba namang mga manggagawang benepisyaryo ay binayaran sa pamamagitan ng M. Lhuillier Financial Services.

Samantala, ang DOLE Regional Office No. 6 ang nanguna sa pagbibigay ng oryentasyon para sa Adjustment Measures Program (AMP) sa mga apektadong manggagawa sa pormal na sektor sa isla.

Ito ay isang safety net program para sa mga manggagawa sa pormal na sektor na mayroong integrated at comprehensive package ng tulong tulad ng tulong pinansyal, employment facilitation, at mga pagsasanay.

Ang mga interesadong benepisyaryo ay maaaring bumisita sa http://www.ble.dole.gov.ph/index.php/beep-amp para sa karagdagang impormasyon para sa programa.

Sa pamamagitan ng Boracay Emergency Employment Program (BEEP), tiniyak ni Bello sa publiko ang patuloy na tulong na ipinaaabot ng DOLE sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at iba pang programa ng kagawaran para sa mga apektadong manggagawa habang pansamantalang nakasara ang isla.

END/aldm/ with reports from Niezel Anen T. Sabrido, DOLE RO6/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry