Mas maraming establisyamento ang nakatakdang inspeksiyunin ng labor department upang tiyakin na hindi sila nagpapatupad ng ipinagbabawal na labor-only contracting at hindi lumalabag sa batas-paggawa.

Ito ay matapos isumite sa Malakanyang ang listahan ng mahigit 3,000 kompanya na nakitaan na lumalabag sa ipinagbabawal na illegal contracting at sub-contracting.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III kahapon na may 200 bagong labor inspector ang madaragdag sa 500 naka-deploy sa buong bansa. Ang mga bagong rekrut ay bahagi ng 2,000 bagong inspector na kinakailangan ng DOLE para sa pag-inspeksiyon sa mahigit na 900,000 establisyamento sa buong bansa.

Pinangunahan ni Bello ang panunumpa sa kanilang katungkulan ang 35 bagong labor laws compliance officer na idedeploy sa mga kritikal na lugar. Kanyang hinamon ang mga bagong opisyales na ibigay ang kanilang buong kakayahan sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang labor inspector.

“Ngayon, kayo ay ganap nang labor inspector. Ito ay malaking responsibilidad dahil naatasan kayo na ipagtanggol at tuparin ang ating pangako na proteksiyunan at pangalagaan ang ating manggagawang Pilipino,” ani Bello.

Naatasan ang mga labor inspector na bisitahin, tingnan at inspeksiyunin ang mga establisyamento sa buong bansa upang tiyakin ang pagsunod ng mga ito sa general labor standards at occupational safety and health standards.

“Bilang karagdagan sa talaan ng labor laws compliance officers (LLCO), inaaasahan na makakatulong kayo para matiyak ang tagumpay ng ating kampanya na mabigyan ang mga manggagawang Pilipino ng seguridad sa trabaho, protektahan ang kanilang karapatan, at mapangalagaan ang kanilang kapakanan at pagtitiyak na ligtas ang kanilang lugar-paggawa,” dagdag ni Bello.

Labindalawa sa mga bagong LLCOs ay licensed engineer; tatlo ay under board engineers, 10 ang nurses, at tatlo ay nagtapos ng abogasiya. Ang iba ay teacher, at nagtapos ng commerce, business management at criminology.

“Inyong tandaan na ngayon kayo ang ang mangunguna at ang pinakamahalaga sa inyong tungkulin ay ang pangangalaga sa karapatan, kapakanan at kaligtasan ng ating manggagawa. Inyong ilagay sa inyong isipan na ang batayan sa kasiyahan ng mga manggagawa ay ang mahahalagang sangkap upang tiyakin na magiging matatag at patuloy ang pag-unlad ng mga negosyo at industriya,” ani Bello.

### Paul Ang /gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry